Monday, October 17, 2011


ANG LUNGSOD NG ILIGAN:  MALIIT MAN AY MAY
MAIPAGMAMALAKI RIN
ni: Aileen Pearl Namla
 
Ang isla ng Pilipinas ay minsan ng nataguriang may pinakamagagandang likas na yaman na pwedeng-pwedeng ipagmalaki hindi lamang sa Asya kundi pati na rin sa buong mundo. Nariyan ang Chocolate Hills ng Bohol, ang Hagdan-hagdang Palayan sa Banawe na gawa ng mga Ifugao, ang Bulkang Mayon ng Bikol, at kung anu-ano pang mga nakakamamanghang tanawin na animo’y mga nagagandahang dilag sa angkin nilang mga kariktan. Ngunit hindi lahat ng mga ito’y napupuna at napapag-usapan lalung-lalo na ang isla ng Mindanao dahilan na rin sa mga napapabalitang sigalot at kaguluhan sa nasabing pulo ng bansa na kung minsan ay may kalabisan at eksaherasyon dahil sa pangkalahatan naman dito ay may matiwasay at organisadong mamamayan na sumusunod sa batas ng tao at ng Diyos.
Isa sa mga maipagmamalaki ng Pinoy lalung-lalo na sa mga likas-yaman ng Mindanao ay matatagpuan sa siyudad ng Iligan na kilala rin sa bansag na City of Majestic Waterfalls. Kung ikaw ay isang dayo o kaya’y isang turista, dalawa lang ang maari mong pagpili-an para makapunta sa siyudad. Ang una, ay kumuha ka ng flight sa Manila papuntang Cagayan De Oro City, pagkatapos ay sumakay ka ng bus papuntang Iligan. Ang pangalawa, ay magbarko ka sa Manila papuntang Iligan, pero aabutan ka ng mahigit kumulang ng tatlumpu’t anim na oras bago mo marating ang nasabing lugar. Pero kahit pagod man tayong darating, magiging sulit naman ang iyong bakasyon sa dami ng puwede mong masilayan at maranasan sa siyudad ng Iligan. Saan ka makakakita ng talon na matatagpuan sa isang siyudad? Dito lang yan sa Iligan. At ang nakamamangha, hindi lang isa, hindi lang dalawa, kundi dalawampu’t tatlong talon ang makikita mo mismo dito sa siyudad.Una na dito ang tanyag na Talon ng Maria Cristina na matatagpuan sa Baranggay Buru-un. Ito rin ang nagsu-supply ng elektrisidad ng halos lahat ng lugar sa Mindanao. Pangalawa ay ang Limunsudan Falls na matatagpuan sa Baranggay Rogongon. Alam niyo ba na sa taas nitong walong daan at pitumpong talampakan ay sinasabing ito ang siyang pinakamataas na talon sa Pilipinas. Isa pang kaaya-ayang talon na maari mong masilayan ay ang nakatagong kayamanan ng Iligan na kung tawagin ay Tinago Falls. Maraming haka-haka ang kumalat patungkol sa talon na ito. Ito daw ay lugar ng mga nimpas at mga diwata kung kaya’t parang  isang henyo ang gumawa ng kabuuan nito.  Nandiyan rin ang Mimbalut Falls, Guimbalolan Falls, Kamadahan Falls, Pindarangahan Falls, Gata Falls, Kibalang Falls, Rogongon Falls, Dalipuga Falls, Dodiongan Falls, Kalubihon Falls, Langilanon Falls, Hindang Falls, Pampam Falls, Languyon Falls, Linanot Falls, Malinao Falls, Bridal Veil Falls, Abaga Falls, Maligang Falls, at Malapacan Falls.
Kung sa talon lang ay namangha na kayo, marami pang likas na yaman ang puwede niyong kabiliban dito sa lungsod ng Iligan. Nariyan ang Mt. Agad-Agad na tiyak kung magpapahingal sa iyo papuntang tuktok. Ang Buhanginan Hills na isa sa pinakamgandang pasyalan ng lungsod. Ito ay nasa taas na isangdaan at tatlumpung talampakan  kung saan puwede mong matanaw ang  kabuuan ng Iligan. Maganda ring tanawin dito ang pagsikat at paglubog ng araw sa kalawakan. Dito rin natin matatagpuan ang Iligan City Hall at higit sa lahat ang Anahaw Open Amphitheater na siyang pinagdadarausan ng street dancing tuwing Setyembre ng bawat taon sa pagkilala sa Kapistahan ni Senyor San Miguel. Dito, ating makikita ang iba’t ibang klaseng libangan, katulad na lamang na kung tawagin ay Mugna kung saan makakakita ka ng iba’t-ibang klaseng amusement rides and shows at mga nakaka-engganyong tiyangge sa bawat sulok nito na may napakamumurang tinda.  At sa ganitong buwan mo rin maaaring masaksihan ang Diyandi Festival at ang mga nagagandahang kalahok ng Miss Iligan at Miss Little Iligan.
Kung ang hanap mo nama’y isang makasaysayang infrastraktura, pupunta tayo sa ex-ancestral home ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Dito mo malalaman ang talambuhay ng kanilang angkan. At doon sa may kalapitan, mahahanap mo ang isa sa pinag-uusapan ng mga bumibisita sa lungsod. Ito ang siyang Timoga Swimming Pools na dinesinyo para sa pampamilyang okasyon. Mayroon din tayong Maze Park kung saan pinagsama ang swimming pool at zoo sa iisang lugar. Dito mo masasaksihan ang iba’t ibang klase ng hayop na bihira mo lamang matatagpuan sa kasalukuyang panahon. Nariyan din ang iba’t ibang klase ng beaches na puwede mong babaran, anong oras na gugustuhin mo. Isa na riyan ang Regs Beach ng Sta. Felomina. Doon ay may mga establisyemintong kukumpleto ng araw mo gaya na lamang ng restaurant, conference hall, open cottages, at mga pinarerentahang silid. Nandito rin ang ipinagmamalaki ng lungsod na Chelina’s Beach Resort, Sabac and Halibac Beach, at higit sa lahat ang Bucana Beach kung saan dito mo mararanasan ng sabay ang pagligo sa tubig-alat at tubig-tabang. At kung gusto mo naman ng romantikong kapaligiran, ay mararapatin nating puntahan ang Centennial Park at Dalipuga Beach Resort kung saan ditto mo masisilayan ang kakaibang dating ng paglubog ng araw.  Kung ikaw naman ay isang party person, mayroon din tayong mga clubs na maari mong daluhan. Nariyan ang Iliganon Bar at Club Seven na titighaw sa iyong inip at antok tuwing sasapit ang gabi. Kung ikaw naman ay food-lover, siguradong papatok sayo ‘tong mga fine dining restaurants katulad na lamang ng Maria Cristina Hotel and Restaurant, Tatay’s Grill ‘n Bar, and Café Hermoso. Puwede ka ring dumayo at kumain sa Yom’s Grill at Gazpacho’s Food House at matitikman mo ang kanilang Camaron Rebusado na talaga namang swak na swak. Kung mahilig ka sa putaheng manok, puwedeng-puwede kang  pumunta sa Sunburst Fried Chicken, Chrisven Food Haus and Dear Manok at viola, ihahanda ka nila ng iba’t ibang luto ng manok. Kung trip mo namang magkape, puwede ka ring tumambay sa Aruma Coffee Lounge at sabayan mo ng Iliganon’s pizzas at ang putahe ng mga Maranao na kung tawagin ay beef randang. Kung hilig mo namang kumain ng pastries, ay angkop na angkop sa iyo ang Michelle’s Cake and Pastries, Peek ‘n Berry Pastries, at Zoey. Kung hilig mo nama’y Filipino foods, nariyan ang Big Dipper Restaurants, Quick-Cha Corner, at Kuzina Iliganon. Kung hanap mo nama’y Chinese Foods, nariyan ang Lai-Lai Yeung Chow Restaurant at JY Dimsum House. Kung problema mo naman ang iyong matutulugan, ay may sagot tayo diyan. Nariyan ang Maria Cristina Hotel, Elena Tower Inn, Famous Pension House, Cheradel Suites, Farrah Hotel, Jalexis Inn, Alya Vista, at marami pang ibang pagpipiliang angkop sa iyong panlasa at budget sa bulsa. Kung type mo namang mag-shopping, nariyan ang Uni City, JBC, Berd’s Theater Mall, Trendline Center, Squarelland, Novo, Fiesta Mall, UniTops, at higit sa lahat ang bagong bukas na  Gaisano Mall na puwede mong pasyalan kasama ang iyong mga kamag-anak at kaibigan. Kung gusto mo namang  bumili ng mga mamahaling damit na may tatak, maari ka ring magpunta sa mga fashion boutique na nakahilera karamihan sa sentro ng lungsod.
Ipinagmamalaki rin ang Iligan sa pagkakaroon nila ng mga nagbobonggahang organisasyon na ang layon ay ang paunlarin at palaganapin ang turismo ng nasabing lungsod sa pangunguna ng IPAG (Integrated Performing Arts Guild), isang samahan ng mga aktor at mananayaw na pinapahalagahan at ipinapakita ang kultura ng lahing Pilipino mapaloob man o mapalabas ng ating bansa. Nariyan din ang Kalimulan Dance Troupe, mga grupo ng mananayaw na residente ng MSU-IIT (Mindanao State University – Iligan Institute of Technology). Kung may mga mananayaw, mayroon ding mga mang-aawit tulad na lamang ng OCTAVA, isang choral organization na residente din ng nasabing unibersidad. Sila ang siyang nagpapaalala sa kultura at lahi ng Pilipino, partikular na sa taga-Iligan na kung tawagin ay mga Hiligaynon. Ang mga Hiligaynon ay mga lumad na residente ng lungsod na kinabibilangan ng mga Kristiyano, Muslim, Manobo  at ng iilang porsiyento ng ibang salinlahi kung kaya tinawag ang Iligan na isang makulay na lungsod na may makulay na kultura.
Dati na ring nabansagan ang Iligan bilang nag-iisang industrialized city of the south sa pagkakaroon nito ng maraming establisyeminto at mga pabrika ng iba’t ibang produkto. Marahil ay kilalang-kilala niyo na ang dating NSC (National Steel Corporation) na ngayo’y tinatawag ng Global Steel Corporation, ang ICC (Iligan Cement Corporation), ang HolCim, ang PILMICO, at iilan pang mga naglalakihang infrastraktura na sumusulong sa makabagong teknolohiya sa kasalukuyan. Minsan na ring naparangalan ang lungsod ng Iligan bilang isang malinis na siyudad at lungsod na may mga mabubuting opisyal dahilan na rin sa maayos na pamamalakad nito sa buong kalakhan.
Isa rin sa mga bumibihag ng mga dayuhan ang mga pagkaing trademark ng Iligan. Gaya na lamang ng Cheding’s Peanut at ang sukang kakaiba sa lahat na kung tawagin ay Sukang Pinakurat. Sa katunayan, ang mga produktong ito ay minsan na ring nailathala at naipalabas sa isang lokal na programa ng telebisyon na pinapatunayan lamang na may kakaibang dating ang produkto ng taga-Iligan sa larangan ng inobasyon at klase ng mga de-kalidad na mga sangkap.
Tunay nga na kaaya-aya ang bansang Pilipinas, lalung-lalo na ang mga tagong pulo na malimit lamang naririnig ng mga may dugong banyaga. Kaya mas maiging paigtingin natin ang kampanya ng turismo sa bansa ng sa ganoong paraan ay ating maipakita sa lahat na maliit man tayong maikukumpara ng ibang bansa, may laban naman tayo kung ganda ng kalikasan ang siyang mapag-uusapan.
Mabuhay ang lahat at nawa’y nagandahan kayo sa pagsama sa aking pamamasyal sa lungsod ng Iligan!
 

No comments:

Post a Comment